Posibleng retaliation o paghihiganti ang motibo ng mga teroristang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group sa kanilang naging pag-atake sa apat na sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Maguindanao del Sur.
Kung maaalala, tinambangan noong Linggo, March 17 ang mga biktima habang pabalik sana sa kanilang kampo galing sa pamimili bilang bahagi ng kanilang community service.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, paghihiganti ang nakikita nilang motibo sa insidente lalo na ngayong nakararanas ang teroristang grupo ng leadership vacuum at unti-unti na ring humihina ang kanilang puwersa.
Ani Padilla, tinatayang nasa 20 mga terorista ang nasa likod ng nasabing pananambang at tuluy-tuloy pa rin ang mga awtoridad sa pagsasagawa ng hot pursuit operations laban sa mga ito.
Una nang tiniyak ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner na tutugisin at pananagutin ang mga nasa likod ng pag-atake kasabay ng pangakong susugpuin ang lahat ng puwersa ng mga terorista sa bansa upang matuldukan na ang paghahasik ng mga ito ng takot at krimen.