Manila, Philippines – Patuloy sa pagdating ang mga mananampalataya sa Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila sa huling araw ng tinawatag na ‘Public Veneration’ sa blood relic ni Saint. Pope John Paul II.
Dahil sa dami ng mga nagpupuntang kababayan, umaabot na hanggang sa labas ng simbahan ang pila para sa public viewing na hanggang alas-otso na lamang ngayong gabi.
Una dito, isang welcome mass ang pinangunahan kahapon ni Manila Archbishop Luis Antonio Tagle para salubungin ang blood relic ng dating Santo Papa.
Nabigyan naman ng estampita ang mga dumalo sa misa na may kasamang third class relic ng tela na idinampi sa naturang blood vial.
Isa ang Manila Cathedral sa pito lamang na custodian ng ‘liquefied blood’ ni St. John Paul II na itinuturing ng Simbahang Katolika na magandang regalo ngayong ipagdiriwang ng tinaguriang ‘Mother Church’ ang ika-animnapung taong anibersaryo ng post-war rebuilding nito.
Pinatutunayan sa ikatlong pagbabalik ng pumanaw na Santo Papa sa Pilipinas sa uri ng relic na lalo pang lumalakas ang pananampalataya sa Diyos at pagmamahal sa puso at isipan ng mga Filipino na naging malapit sa panahon ng kanyang panunungkulan mula 1978 hanggang 2005.
Matatandaang February 1981 unang bumisita sa Pilipinas ang noon ay Pope John Paul II para sa Beatification ng kauna-unahang Pilipinong martyr na ngayon ay si St. Lorenzo Ruiz at nasundan ulit ito noon namang January 1995 para sa World Youth Day na dinaluhan ng tinatayang apat na milyong katao.