Pananatili ni Senior Agila at ng iba pang lider ng SBSI na pina-contempt ng Senado, posibleng abutin hanggang kalagitnaan ng Nobyembre

Nagbabala si Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na posibleng abutin pa ang pananatili ni ‘Senior Agila’, o ni Jay Rence Quilario, at ng tatlong iba pang lider ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) hanggang sa kalagitnaan ng Nobyembre.

Ito ay kung patuloy sila na magsisinungaling sa joint hearing ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs at Senate Committee on Women, Children and Gender Equality.

Sa pagdinig ng Senado sa budget ng Department of Justice (DOJ), sinabi ni Justice Usec. Nicholas Felix Ty na target nilang mabigyan na ng resolusyon ang mga reklamo sa SBSI sa kalagitnaan ng Nobyembre.


Ganito aniya ang posibleng itatagal bago makapaglabas ng resolusyon dahil maghahain pa ng supplemental complaint laban kina Senior Agila at sa iba pang lider ng SBSI matapos na lumabas sa huling pagdinig na may mga bagong alegasyon laban sa mga respondents.

Aniya, ang National Bureau of Investigation (NBI) ang mismong maghahain ng mga dagdag na reklamo katuwang ang mga prosecutors.

Sinabi ni dela Rosa, na paguusapan ng komite kung paano ang gagawin sa mga ito lalo’t ang isa sa kanila na si Mamerto Galanida ay mayroon pang sakit matapos tumaas ang presyon noong huling hearing sa Senado.

Pero aniya, depende pa rin ito dahil kung hindi na sila magsisinungaling sa pagdinig ay posibleng mapalaya na sila agad subalit kung hindi, ay tiyak na aabot sila sa mataas na kapulungan hanggang sa mid-November.

Facebook Comments