Dismayado si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa pasya ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na manatiling kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Para kay Castro, dapat bitiwan na ni PBBM ang DA dahil hindi naman sapat ang pang-unawa at solusyon nito sa mga problema sa sektro ng agrikultura at agraryo.
Sabi ni Castro, ito ang dahilan kaya ang mga solusyon na ipinapatupad ng administrasyon sa mga suliranin sa agricultural sector ay pawang band-aid solutions o pansamantala lamang.
Giit ni Castro, mamamatay ang ating sektor ng agrikultura kung mananatiling DA secretary si Pangulong Marcos hanggang 2028 at hindi magpapatupad ng totoong reporma na sasabayan ng buong suporta ng gobyerno sa mga magsasaka.
Kaugnay nito ay binanggit ni Castro, na libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka at subsidiya mula sa gobyerno ang magbabangon sa lokal na agrikultura at titiyak sa ating kasiguruhan sa pagkain na pawang nakapaloob sa nga panukalang Genuine Agrarian Reform Bill at Rice Industry Development Act.