Iwaksi ang katiwalian at panatilihin ang pagiging marangal, malinis at maipagmamalaking mga alagad at tagapagpatupad ng batas.
Hamon ito ngayon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa sa kanyang mga kabaro, kasabay ng pagdiriwang ng ika-122 taong Kalayaan ng Pilipinas ngayong araw.
Ganap na alas otso ng umaga kanina, pinanguhan ni Gamboa kasama ang matataas na opisyal ng PNP ang tradisyunal na pagtataas ng watawat ng bansa sa Kampo Crame.
Pero tulad ng unang flag raising ng PNP sa pagpasok nito sa new normal, walang mangyayaring formation sa harap ng General Headquarters ng PNP sa halip ay sa kaniya-kaniyang tanggapan sa loob ng kampo manonood ng live feed ang mga kawani ng PNP.
Tanging ang mga matataas na opisyal lang ng PNP ang nasa harap ng PNP Headquarters at ginawa ang seremonya maging ang pagbibigay ng mensahe si PNP Chief Gamboa para sa mga Pulis at publiko.
Ayon naman kay PNP Spokesman Police Brigadier General Bernard Banac, ngayong nagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ang bansa mahigpit pa rin nilang ipatutupad ang quarantine protocols.
Aniya, sisitahin at paaalisin nila ang lahat ng grupong magtatangka na magtipun-tipon upang magkilos protesta sa iba’t-ibang lugar.
Kahapon, umapela ang PNP sa publiko na iwasan hangga’t maaari ang mass gathering at sa halip ay gumawa ng iba pang mga hakbang para makapagprotesta nang sa ganun maiwasan ang pagkalat ng COVID- 19.