*Cauayan City, Isabela*- Nananawagan ang Department of Health Region 2 sa publiko na maging responsable sa pagpapakalat ng mga impormasyon sa social media sa kabila ng dumaraming bilang ng fake news sa bansa.
Ito ang panawagan ni Dr. Leticia Cabrera, ang OIC ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ng Rehiyon Dos.
Kasabay ito sa isinagawang Emergency Press Conference sa tanggapan ng DOH Region 2, Tuguegarao City ngayong hapon. (Marso 21, 2020).
Sinabi niya na may otorisadong ahensiya at personalidad para sa pagkumpirma at pag aanunsiyo ng mga bagay tungkol sa COVID-19 at iwasang magpakalat ng mga hindi beripikadong mga kuwento at impormasyon sa internet.
Matatandaang bago sa ginawang kumpirmasyon ng DOH kaugnay sa isang positibong kaso ng COVID-19 sa rehiyon ay naunang nagbigay ng panayam sa media si Governor Manuel Mamba at ipinost sa social media ng Probinsiya ng Cagayan.
Kaugnay nito, umani ng iba’t ibang reaksyon at komento sa social media dahil na rin sa usap-usapang namatay ang nasabing pasyente.
Sa kabila nito, nakapagtala ng unang kaso ng COVID-19 ang Rehiyon Dos matapos magpositibo ang isang kinatawan ng Bureau of Fire Protection na nakadestino sa Sta. Mesa, Manila at umuwi sa Lungsod ng Tuguegarao nito lamang Martes, March 11,2020 at pinaniniwalaang nahawa ang asawa nito at kanyang ina.
Paalala pa ni Director Cabrera na may umiiral na batas na Data Privacy Act o RA 10173 tungkol sa mga sensitibong impormasyon na kailangang pangalagaan lalo pa at ang DOH lamang ang may otoridad na maghayag kaugnay sa COVID 19.