Hindi dapat masamain ng gobyerno ang panawagan ng European Union (EU) Parliament na i-revoke ang Generalized Scheme of Preferences Plus (GSP+) ng Pilipinas dahil sa umano’y human rights violations at lumalalang sitwasyon ng press freedom sa bansa.
Ito ang pahayag ni Vice President Leni Robredo matapos na hamunin ng Malacañang ang EU na ituloy ang banta nitong bawiin ang exports tariff incentives ng Pilipinas.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN, iginiit ni Robredo na sa halip maghamon, patunayan na lang dapat ng administrasyon na wala itong ginagawang paglabag alinsunod sa 27 international conventions na nilagdaan ng bansa sa EU.
“Parang ang hinihingi nila sa Pilipinas, sundin yung mga commitments na pinirmahan doon sa 27 na international conventions at ‘pag hindi susundin, tatanggalan tayo ng GSP+ privileges. Karapatan yun ng EU kasi privilege yun e,” ani Robredo.
“Para sa akin, ang tamang stance Ka Ely, i-prove sa EU na wala tayong violations… i-prove natin na committed pa rin tayo hindi yung sasabihin na, e di tanggalan. Sa panahon na ang daming nawalan ng trabaho sa’tin, dadagdagan mo pa. about 200,000 jobs yun Ka Ely,” dagdag pa ng bise presidente.
Taong 2015 nang makakuha ng GSP+ ang Pilipinas dahil sa pagsunod nito sa international treaty.
Sa ilalim nito, binibigyan ng EU ng tariff exemptions sa pagpasok ng produkto sa Europa ang mga bansang kasapi nito gaya ng Pilipinas.
At base sa datos ng Department of Trade and Industry (DTI), tumaas sa 27% o katumbas ng P108.9 billion ang exports ng Pilipinas dahil sa GSP+.
Ayon sa bise presidente, kung matatanggalan ang Pilipinas ng nasabing pribilehiyo, nasa 200,000 trabaho rin ang maaaring mawala sa bansa.
“Kasi sobrang halaga nito. yung mga negosyante natin na nag-e-export nitong mga produktong ito sa Europe, sobrang maaapektuhan. Kapag naapektuhan sila, maraming mawawalan ulit ng trabaho dahil hindi tayo nag-comply sa conventions na pinirmahan natin,” ang pahayag ni Robredo.