Dedma si Justice Secretary Crispin Remulla sa panawagan ng mga mambabatas mula European Union (EU) na palayain na at ibasura ang lahat ng kaso laban kay dating Senador Leila de Lima.
Ayon kay Remulla, hindi siya maaaring makialam sa drug case ni De Lima, na kasalukuyang nakasampa sa korte.
Dagdag ng kalihim, nasa pagpapasiya na ito ng korte at iginagalang nila ang anumang magiging desisyon nito bilang bahagi ng institutional continuity.
Matatandaang nagpahayag ng pagkabahala ang mga miyembro ng EU Parliament Subcommittee on Human Rights sa pagbasura ng korte sa hiling ni De Lima na makapagpiyansa, sa liham na isinapubliko nito noong June 29.
Ipinunto ng EU na ang anim na taon na pagkakulong sa dating senador ay hindi makatwiran dahil wala itong legal na basehan bukod pa sa nababalewala anila ang pandaigdigang pamantayan sa karapatan sa patas na pagdinig.