Lanao Del Sur – Dapat na pag-aralang mabuti ng mga kinauukulan ang panawagan ng mga alkalde ng Lanao Del Sur na bigyan ng armas ang mga barangay tanod sa kanilang lugar.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief marine Col. Edgard Arevalo, maganda ang adhikain ng mga alkalde.
Ito ay para protektahan o depensahan ang kanilang mga kababayan sa mga masasamang loob.
Pero dapat aniyang dumaan ito sa tamang proseso.
Sa panig naman ng PNP sinabi ni PNP Spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos na walang batas na nagsasabing maaaring armasan ang mga barangay tanod.
Sa batas, tanging ang mga kabilang sa law enforcement agencies ang maaring magbitbit ng baril para tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan.
Sa ngayon, dapat aniyang may pagbabatayan ang mga alkalde para matupad ang kanilang panawagan.