Suportado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panawagan ng mga apektadong Local Government Units (LGUs) sa pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) na resolbahin ang problema nito sa pagpapatupad ng Radio-Frequency Identification (RFID) system.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, importante para sa LGUs at NLEX management na makabuo ng plano para maresolba ang problema.
Dapat bumuo ng common solution sa halip na magpatupad ng iba’t ibang propositions na makakaapekto lamang sa publiko.
Naniniwala naman si Año na hindi pinapalayas ng mga LGU ang mga investors sa pag-aksyon nila sa problema.
Pero binigyang diin ng kalihim na mahirap ipatupad ang cashless transactions sa expressways lalo na at nahihirapan ang mga motorista na maabot ang deadline sa pagkakabit ng RFID stickers.
Ang mga motorista ay mayroong hanggang January 11 para makabitan ang kanilang mga sasakyan ng RFID tags pero ipinapanawagan ng ilang mambabatas sa Department of Transportation (DOTr) na palawigin ito.
Si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ay makikipagpulong sa NLEX Corporation para ayusin ang problema ng RFID sa lungsod pero hindi ito nangangahulugang babawiin na ang suspensyon ng business permit ng kumpanya.