Panawagan ng mga retiradong military officers na magkaroon ng iisang posisyon laban sa China, suportado ni VP Robredo

Naghayag ng suporta si Vice President Leni Robredo sa panawagan ng ilang retiradong military officers na magkaroon ng iisang posisyon o katayuan laban sa China.

Ito ay sa harap ng pagiging agresibo ng China sa West Philippines Sea (WPS).

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo mahalagang may “iisang boses” ang bansa patungkol sa isyu.


Hindi aniya makakatulong kung magkakaiba at magkakasalungat ang mga posisyon ng mga opisyal hinggil sa agawan ng teritoryo.

Babala rin ni Robredo na dapat mag-ingat ang Pilipinas sa paglalabas ng pahayag lalo na at napaka-sensitibo ang isyu.

Iginiit din ni Robredo na hindi rin magiging patas lalo na sa isang maliit na bansa tulad ng Pilipinas sa pagsusulong ng bilateral talks.

Ang dapat gawin ay multilateral talks kung saan kasama ang iba pang stakeholders na may interes sa pagsusulong ng freedom of navigation and commerce sa WPS.

Ito aniya ang dahilan kung bakit mahalaga ang 2016 Arbitral Award dahil ito ang batayan para sa mga bansa na sumuporta sa Pilipinas.

Matatandaang nanawagan si dating Senator at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Rodolfo Biazon na mag-convene ang National Security Council (NSC) para bumuo ng united stand laban sa China.

Facebook Comments