Out of frustration lamang umano ang naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin nitong dapat mag-resign na ang buong Philippine National Police (PNP) dahil sa pagkakasangkot ng mga matataas na opisyal nito sa iligal na droga.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, nauunawaan at iginagalang nila ang pahayag ng dating punong ehekutibo sapagkat batid ng lahat na galit ito sa droga.
Pero kung mawawala naman ang PNP at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang mag-te-take over ay maapektuhan ang peace and order sa bansa.
Magkaiba kasi aniya ang kasanayan ng PNP at AFP.
Paliwanag pa nito, kung magre-resign ang buong PNP wala nang magpapatrolya wala na ring mag-iimbestiga at wala nang haharap sa mga complainants.
Kasunod nito, tinitiyak ng liderato ng PNP kay dating Pangulong Duterte at sa publiko na hindi tumitigil ang Pambansang Pulisya sa paglilinis ng kanilang hanay kung saan tuloy-tuloy ang kanilang administrative disciplinary machineries na nag-aalis sa serbisyo ng mga tiwaling pulis.