Sinang-ayunan ni Senator Cynthia Villar ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) na gamitin ang coconut levy fund para sa kapakanan ng mga coconut farmer at sa pagpapaunlad ng coconut industry sa bansa.
Mula 2016 ay isinusulong na ni Villar ang pagggamit ng coco levy fund o ang buwis na ipinataw sa mga coconut farmer mula 1971 hanggang 1983 na tinatayaang umabot na sa ₱105 bilyon.
Sa kaniyang ika-limang SONA, ay hinikayat ng Pangulo ang dalawang kapulungan ng Kongreso na ipasa ang bersyon ng panukala na magbubuo ng Coconut Farmers Trust Fund.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food, inisponsoran ni Villar ang revised version nito noong Mayo 28, 2020 at nasimulan na rin ang plenary discussion.
Sa ilalim ng bagong panukala, ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund ay pamamahalaan at gagamitin alinsunod sa Coconut Farmers and Industry Development Plan na ipapatupad naman ng Philippine Coconut Authority (PCA) na aprubado ng Pangulo ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Villar, ang Trust Fund ay hiwalay pa sa regular fund ng PCA mula sa General Appropriations Act.
Para matiyak ang tamang paggamit ng pondo, nakasaad din sa panukala ang pagbuo ng Trust Fund Management Committee na may kinatawan mula sa Department of Finance (DOF) bilang Fund Manager, Department of Budget and Management (DBM) at Department of Justice (DOJ).