Panawagan sa Kamara na buwagin ang NTF-ELCAC, mas lumalakas pa

Mas lumalakas ang panawagan ng grupong Makabayan sa Kamara na tuluyan nang lusawin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Kaugnay ito sa pagsibak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kay Major General Alex Luna bilang Armed Forces of the Philippines (AFP) Deputy Chief of Staff for Intelligence dahil sa paglalabas ng maling listahan ng mga umano’y miyembro ng New People’s Army (NPA) na napatay ng militar.

Ayon kay ACT Teachers Partylist Representative France Castro, malabong mawala ang mga maling akusasyon at pag-atake ng mga militar kung patuloy naman ang red-tagging, harassment at naririyan ang NTF-ELCAC.


Inihalimbawa ni Castro ang nangyari sa mga alumni ng University of the Philippines (UP) at buong UP community na pinaratangang sumapi sa NPA.

Sinegundahan ito ni Bayan Muna Partylist Representative Ferdinand Gaite at binigyang diin na ang NTF-ELCAC at ang tagapagsalita nito na si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. ay makailang beses nang nagkaroon ng pagkakamali at maling akusasyon sa mga aktibista, lider ng simbahan, artists at iba pang personalidad at grupo kaya dapat na sinibak rin ang opisyal.

Facebook Comments