Cauayan City, Isabela- Hiling ngayon ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang pagpapaliban sa 2022 National at Local Elections hangga’t hindi nababakunahan ang mayorya ng mga Pilipino kontra COVID-19.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Mamba,malaki pa ang problema at banta sa nararanasang pandemya kaya hindi umano dapat mapulitika ang pagharap laban sa COVID-19.
Mahalaga aniya na hindi dapat hatiin ang taumbayan lalo na ngayong nalalapit ang halalan.
Posible din aniya na malagay sa peligro ang taumbayan kung matutuloy ang halalan dahil sa paraan ng pangangampanya ng mga kakandidato.
Kaugnay nito, malaki ang pangamba ng opisyal sa posibleng matulad ang bansa sa nangyayari sa Amerika at India dahil sa paglobo ng mga kaso ng COVID-19 dahilan umano ang napulitika ang pagharap laban sa pandemya.
Iginiit rin ni Mamba na hindi self-serving ang kanyang panawagan dahil nakahanda umano siya kahit araw-araw pa magsagawa ng eleksyon.
Tanging kailangan aniya na pagtuunan ang kaligtasan ng mamamayan ngayong malala ang sitwasyon ng Cagayan.
Mas maigi aniya na gamitin nalang ang pondo ng eleksyon para tulungan ang publiko ngayong maraming Pilipino ang labis na nahihirapan.
Samantala, naghahanda na umano ang COMELEC sa nalalapit na halalan 2022.