Kinumpirma ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) na utos niya mismo kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang panawagan sa ilang Philippine National Police (PNP) officials na sangkot sa drug trade na magsagawa na lang ng courtesy resignation.
Sa press briefing sa NAIA Terminal 3, sinabi ni Pangulong Marcos na alam niyang ang problema sa droga ay hindi mangyayari kung hindi kasabwat ang ilang mga opisyales ng PNP kaya kailangang tingnan mabuti kung sino-sino ba ang mga kasabwat na ito.
Ito aniya ay bahagi ng paglilinis sa hanay ng PNP para matiyak na ang mga matitirang PNP official ay talagang maasahan na nagta-trabaho para sa gobyerno at hindi nagta-trabaho para sa sindikato.
Sa ngayon ayon kay Pangulong Marcos, iniimbestigahan at hinahanapan ng matibay na ebidensya ang mga pinaghihinalaang mga PNP official na sangkot sa drug trade para kapag kinasuhan ay talagang mananalo sa kaso at makukulong ang mga ito.
Hirit pa ng pangulo na tapos ang gobyerno sa pagbibigay ng haka-haka o chismis na impormasyon patungkol sa mga sangkot sa bentahan ng iligal na droga sa bansa dahil mas maigi aniyang makakuha ng matibay na ebidensya laban sa mga police official upang maharap sa kaparusahan.