Hindi pa napag-uusapan sa gabinete ang mga panawagan na i-ban ang POGO sa bansa.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, kahit sa lebel nilang mga economic managers ay hindi pa ito napag-uusapan.
Pero para kay Balisacan, mas magandang tumutok na lamang ang pamahalaan sa paglikha ng mga dekalidad at maayos na trabaho sa halip na trabahong may kinalaman sa sugal.
Hindi rin aniya maganda ang imaheng naidudulot ng POGO sa bansa kahit pa malaki ang kitang naiaambag nito sa ekonomiya.
Patuloy aniyang nagsusumikap si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagandahin ang turismo at manghikayat ng investors kung kaya’t hindi ito makakabuti sa ating imahe kung masasangkot ang pangalan ng bansa sa mga krimen ng POGO.
Matatandaang malakas ang panawagan ng mga mambabatas at ibang sektor na ipagbawal na ang operasyon ng POGO sa bansa dahil sa pagtaas ng iba’t-ibang uri ng krimen mula rito.