Panawagang ibalik ang death penalty, “ignorance of the law” – ex-CHR chair

Tinawag na “ignorance of the law” ni dating Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Etta Rosales ang panawagang ibalik ang death penalty.

Matatandaang ilang mambabatas ang nanawagang buhayin muli ang capital punishment kasunod ng brutal na pamamaril ni Police Staff Sergeant Jonel Nuezca sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac.

Sa halip, ayon kay Rosales, dapat na hikayatin ng pilipinas ang ibang mga bansa na suspendihin din ang death penalty bilang signatory ng international human rights instruments gaya ng International Covenant on Civil and Political Rights.


Giit niya, ang pagbabalik ng parusang kamatayan ay pagbabalik din ng nakaraan kung saan ang pagiging mangmang sa batas, militarisasyon at paggamit ng puwersa ang tanging solusyong alam nila.

Dahil dito, may posibilidad aniyang malabag ng mga law enforcer ang batas nang hindi nila ito namamalayan.

Mungkahi ng dating CHR Chairperson, pondohan ang administration of justice upang maayos ang mga dapat baguhin sa hanay ng Pambansang Pulisya.

Facebook Comments