Panawagang ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas, tinutulan ng OPAPRU

Umapela ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa mga Pilipino na tigilan na ang pagsusulong na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.

Ayon kay OPAPRU Sec. Carlito Galvez Jr., binabalewala lamang ng panawagan na ito ang Saligang Batas at pagkawala ng pagkakakilanlan ng bansa.

Salungat din aniya ito sa prinsipyo ng bansa na nakikinabang na sa prosesong pangkapayapaan, matapos ang ilang dekadang armadong pakikibaka sa Mindanao.


Ani Galvez, mas maganda aniya na bilang Pilipino ay suportahan ang isinusulong na pagkakaisa at kapayapaan ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Hindi na rin aniya kakayanin pa ng bansa na bumalik muli sa simula kung kaya’t mas mabuting piliin ang kapayapaan para sa pag-unlad ng lahat.

Dagdag pa ni Galvez, na sa kasalukuyan, ay nabura na ang imahe ng Mindanao bilang rehiyon ng karahasan, at sa halip ay kilala na ito bilang simbolo ng pag-asa, pagkakaunawaan, at isang halimbawa na ang mabubuting bagay ay dumarating sa mga taong pumili ng landas ng kapayapaan.

Facebook Comments