Walang problema sa Malacañang ang panawagang imbestigahan ang pagho-host ng Pilipinas sa Southeast Asian Games noong nakaraang taon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bukas sila sa anumang imbestigasyon sa kung paano nagamit ang pondo ng pamahalaan sa nasabing regional sports event.
Iginiit Roque na hindi dapat maapektuhan dito ang karangalang inuwi ng mga Pilipinong atleta.
Nagbabala ang Palasyo sa pagsasagawa ng ‘political innuendos’ at ‘witch hunts.’
Ipinauubaya na rin ng Palasyo sa Kamara ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil dito.
Ang Office of the Ombudsman ay bumuo na ng panel noong nakaraang taon para magkasa ng fact-finding investigation sa pag-host ng Pilipinas sa SEA Games.
Matatandaang inilahad ng Philippine Sports Commission na ang Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) ay pinamumunuan noon ni Taguig Representative Alan Peter Cayetano na nagkaroon ito ng utang sa mga supplier, kabilang sa mga operators ng passenger vans.
Nabalot din ng isyu ang SEA Games tulad ng ₱50 million stadium cauldron o ang kwestyunableng kaldero, overpriced athletic gears, delay sa transportation at hotel accommodation, hindi natapos na sports facilities at hindi sapat na pagkain sa mga atleta.