Ikinokonsidera na ng Department of Labor and Employment (DOLE) na itaas ang minimum wage ng mga empleyado dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Maria Criselda Sy, Executive Director ng National Wages and Productivity Commission, bagama’t hindi pa nila natatanggap ang pormal na petisyon para sa wage hike, handa naman silang pag-aralan ito na nakabase sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa.
Sa ngayon, umabot na sa limang milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho mula nang magsimula ang COVID-19 pandemic.
Batay ito sa inilabas na DOLE 2020 Job Displacement Report kung saan halos 500,000 sa mga ito ay dahil sa nangyaring retrenchment o permanenteng pagsasara ng mga establisyimento.
Nanguna sa may pinakamaraming naitalang displaced workers ang industriya ng administrative at support service, pumangalawa ang iba pang service works habang nasa ikatlong puwesto naman ang industriya ng manufacturing.