Naniniwala si Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles na dapat pakinggan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang ilang mga panawagang magbalik sesyon ang Mababang Kapulungan ng Kongreso upang maipasa ang panukalang 2021 national budget.
Ayon kay Nograles, malinaw ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayaw niya ng reenacted budget para sa 2021.
Dito kasi aniya nakasalalay ang pambili ng mga gamit na makatutulong para labanan ang COVID-19, ang mga programa para makabangong muli ang ating ekonomiya, mga pautang, pambili ng bakuna kapag ito ay available na sa merkado at maraming iba pa.
Sinabi pa ni CabSec na mayroong oportunidad at sapat na oras ang Kongreso upang ipasa ang panukalang budget pero agad silang nagsuspinde ng sesyon.
Giit pa nito, kung ang mga senador nga ay nagtatrabaho pa, dapat ay tuloy-tuloy rin ang trabaho ng mga kongresista lalo na ngayong panahon ng pandemya kung saan mas kailangan ng pondo para sa COVID-19 response.
Paliwanag pa nito, ang kaunting delay sa pagpasa ng pambansang pondo ay posibleng magkaroon pa ng negatibong epekto.