Para kay House Deputy Majority Leader and Tingog Partylist Rep. Jude Acidre, wala sa lugar at kaduwagan ang panawagan na magbitiw si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., upang palitan siya ni Vice President Sara Duterte at mapahupa ang tensyon sa West Philippine Sea.
Ayon kay Acidre, ang naturang apela ni dating House Speaker at ngayon ay Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ay maling interprestasyon ng pamumuno sa bayan at pagsusulong ng ating pambansang soberenya.
Paalala ni Acidre kay Alvarez, ngayon ang panahaon na kailangang nagkakaisang suportahan ng mamamayang Pilipino si Pangulong Marcos para ipaglaban ang ating teritoryo at karapatan sa West Philippine Sea.
Binigyang diin ni Acidre na tungkulin ni Pangulong Marcos na ipagtanggol ang ating bansa anuman ang mangyari kasabay ng pagtutok sa pagpapasigla ng ating ekonomiya at pagtugon sa mga isyung ating kinakaharap.