Panawagang pagbibitiw sa pwesto ni Duque, isang babala ayon kay Sen. Imee Marcos

Igagalang ni Senator Imee Marcos ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na manatili sa pwesto si Department of Health Sec. Francisco Duque III.

Ito ay sa kabila ng kanilang panawagan na magbitiw na sa pwesto si Duque dahil na rin sa kaliwa’t kanang kapalpakan ng kalihim sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Marcos na sana’y maging babala ito kay Duque upang hindi na magpabaya sa kanyang tungkulin.


Binigyan diin ng senadora na sa panahon ng krisis, dapat buo ang tiwala ng taong bayan sa pamahalaan pero kitang-kita aniya ang mga pagkukulang ng DOH partikular sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga medical frontliners at pagamutan sa bansa.

Bukod kay Marcos, kabilang din sa mga senador na lumagda para sa panawagang pagbibitiw ni Duque sina Senate President Vicente “Tito” Sotto, Senators Migz Zubiri, Nancy Binay, Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian, Bong Revilla, Panfilo “Ping” Lacson, Sonny Angara, Grace Poe, Francis Tolentino, Manny Pacquiao, Bato Dela Rosa at Lito Lapid.

Facebook Comments