Pinasaringan ni Manila Mayor Franscisco “Isko” Moreno Domagoso si Vice President Leni Robredo makaraang manawagan ng pagkakaisa ang ikalawang pangulo ng bansa.
Ayon kay Mayor Moreno, kung iiwanan ni VP Leni ang kaniyang mga kasama sa partido, paano pa kaya ang 110 million Pilipino na magtitiwala sa pangalawang pangulo.
Wala rin sa lugar ang panawagan ni Robredo na magkaisa dahil siya mismo ay umalis sa kaniyang sariling partido, ang Liberal Party, makaraang magpasya itong tumakbo sa pagkapangulo.
Binigyang-pansin din ng alkalde ang nag-trend sa social media na #WithdrawIsko na nagmula umano sa mga taga-suporta ni Robredo.
Matatandaan na isa si Yorme sa tatakbo bilang pangulo ng bansa ang nakausap ni Robredo bago pa ito magdesisyon na maghain ng kandidatura sa pagkapangulo, upang makabuo ng alyansa na makakatibag sa sinumang susuportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na national election.
Una nang pinasaringan ni Moreno si Robredo makaraang magpahayag ito na isa sa mga dahilan ng kaniyang paghahain ng kandidatura bilang pangulo ng bansa ay upang pigilin ang pagbabalik ng Marcos sa Malakanyang.