Suportado ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang panawagan na tuluyan nang kanselahin ang mga kasunduan sa quarrying sa Masungi Geopark Project at sa Upper Marikina Watershed.
Matatandaang apat na alkalde ng mga siyudad sa Metro Manila at iba pang mga opisyal ang nagpahayag ng matinding pagkabahala sa hindi pagkansela ng Department of Environmental National Resources (DENR) ng tatlong Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) na sumasaklaw sa protektadong watershed.
Labis namang ikinabahala ng mga ito na ang DENR ay mistulang hindi kumikilos sa pagkansela ng mga MPSA dahil ang mga ito ay diumano’y “hindi gumagana” at “malapit nang mag-expire.”
Nakiisa ang mga alkalde sa panawagan ng mga eksperto, katutubo, at civil society groups na makialam si Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil hindi kinansela at bagkus ay sinuspinde lamang ni DENR acting Secretary Jim Sampulna ang mga nasabing MPSA.
Kahit na ang 25-taong termino ng mga MPSA ay nakatakdang mag-expire sa 2023 at 2024, ang DENR ay hindi na tiyak at hindi makatitiyak na ang suspensyon ay hindi aalisin anumang oras o na ang pag-renew ng mga kontrata ay hindi ipagkakaloob.
Nangako si dating DENR Secretary Cimatu dalawang taon na ang nakararaan, noong Marso 2020, na kakanselahin na ang nasabing quarry agreements ngunit hindi ito kailanman ipinatupad ng DENR.
Giit pa ng mga environmentalist na habang sinuspinde o wala pang quarry operations, ang kawalan ng aksyon ng gobyerno ay naghihikayat sa iligal na pagtatayo ng mga isktraktura, pagpuputol ng puno, at pagkasira ng mga daluyan ng tubig sa lugar.
Gayundin, ang buhay ng mga park ranger at mga nagsisikap na muling mag-reforest ang lugar ay mananatiling nasa panganib hanggang hindi pa tuluyang pinapasawalang-bisa ang mga MPSA.
Ipinagbabawal ng e-NIPAS Law at Philippine Mining Act ang quarrying at mineral exploration sa mga pambansang parke, protektadong lugar, at proclaimed watershed reserves.
Ang mga pribadong karapatan, kung mayroon man ay hindi maaaring maging katwiran para sa paglabag ng mga batas.
Samantala, sa panayam ng Veritas Philippines, pinuri ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang hakbang ng mga alkalde.
Hinimok din niya ang gobyerno na muling suriin ang mga MPSA at iwasan ang pagbibigay ng mga permit para sa mga iligal na operasyon na nagpapalala sa epekto ng pagbabago ng klima at nagdaragdag sa pagdurusa ng mga tao.