Panawagang pagpapalaya kay dating Sen. De Lima, nakadepende sa korte

Nasa korte ang desisyon kung papalayain na si dating Senator Leila de Lima.

Ito ang binigyang-diin ni Department of the Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos makaraang ipanawagan ng ilang mga mambabatas na palayain na ang detinadong senadora matapos itong ma-hostage kahapon ng miyembro ng ASG na nagtangkang tumakas mula sa PNP Custodial Facility.

Ayon kay Abalos, caretaker at sumusunod lamang ang DILG at PNP sa kautusan ng korte.


Paliwanag pa ng kalihim, pagkatapos ng insidente kinausap niya ang dating mambabatas at ipinahatid ang mensahe ni Pang. Bongbong Marcos na maaari itong lumipat ng kanyang detention facility pero mas pinili aniya ni De Lima na manatili na lamang sa PNP Custodial Center.

Kasunod nito, tiniyak ni Abalos ang kaligtasan ng dating senadora at nangakong hindi na mauulit ang kahalintulad na insidente.

Si De lima ay 5 taon nang nakapiit sa PNP Custodial facility matapos umanong masangkot sa illegal drug trade nuong ito pa ang kalihim ng DOJ.

Facebook Comments