
Tiniyak ng Malacañang na hindi mabibigo ang Iglesia ni Cristo (INC) at ang publiko sa kanilang panawagan para sa transparency at accountability sa gitna ng isyu sa umano’y malawakang katiwalian sa flood control projects.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, ramdam at malinaw na naririnig ng Palasyo ang sentimyento ng INC at ng marami pang Pilipino na nananawagan ng pananagutan.
Ipinangako na aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may makukulong bago mag-Pasko, hahabulin ang mga nagkasala, at bababawiin ang anumang pondong ninakaw mula sa kaban ng bayan.
Dagdag pa ni Gomez, nakatakda ring ayusin ang sistema upang hindi na maulit ang parehong uri ng katiwalian, at masiguro ang maayos at tapat na paggamit ng pondo.
Giit ng PCO, kaisa ang Palasyo sa layunin ng INC at ng taumbayan na papanagutin ang dapat managot at tiyaking bukas, malinaw, at malinis ang takbo ng pamahalaan.









