Pandacan Community Pantry, tuluyan nang nagsara

Tuluyan ng isinara ng mga organizer ang Pandacan Community Pantry dahil sa takot nila sa red-tagging na isinasagawa ng mga otoridad.

Sa pahayag ng organizer na si Marikit Arellano, nababahala ang buong pamilya nila matapos silang puntahan ng mga pulis at ipa-fill up sa kanila ang isang form noong Lunes bago inilabas ni Mayor Isko Moreno ang kaniyang pahayag na pinapayagan niya ang pagtatayo ng mga community pantry sa kanilang lungsod.

Bagama’t may inilabas ng direktiba si Mayor Isko sa Manila Police District (MPD) na huwag pagbawalan, huwag hulihin at hindi na kailagan pa ng permit ang mga nagtatayo ng community pantry, nangangamba pa rin si Marikit dahil sa form na kanilang sinagutan kaya’t nagdesisyon ang kaniyang pamilya na itigil na ito.


Sinabi naman ni Moreno na maaari pa namang bumalik sa paglulunsad ng community pantry ang mga organizer sa Pandacan anumang oras nila gusto kung saan suportado sila at nasa likod nila ang lokal na pamahalaan ng Maynila.

Pinayuhan din ng alkalde si Marikit at pamilya nito na maaari silang bumisita sa kaniyang opisina kung kinakailangan para tuluyan nang mawala ang kanilang pangamba.

Sa kabila nito, nagpapasalamat si Mayor Isko sa mga residente o grupo sa lungsod ng nagtatayo ng mga community pantry dahil aniya, malaking tulong ito at paraan na rin ng pagpapakita ng malasakit sa kapwa.

Facebook Comments