*Cauayan City, Isabela- *Malugod na inaanyayahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang lahat ng mga guro, mananaliksik at mga iskolar na lumahok sa kanilang kauna-unahang International Conference on Language Endangerment o Pandaigdigang Kumperensiya sa Nanganganib na Wika nitong sa ika-sampu hanggang ikalabing dalawa ng Oktubre sa pangunguna ng National Commission for Culture and the Arts.
Sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan kay ginoong Rene Cagalingan, isa sa mga mananaliksik ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) bisitahin lamang ang kanilang website at mag-register online para sa walumpung slots kung saan limampu rito ay manggagaling sa ating bansa habang ang natitirang tatlumpong slots ay manggagaling naman sa ibang bansa.
Layunin umano ng kanilang isasagawang Conference na mapag-usapan ng mga iskolar sa pananaliksik ang mga paraan upang mapangalagaan ang ating wika at matalakay ang mga hakbang kung paano mapanatili at mapayabong ang ating mga nanganganib na wika.
Marami na umano sa mga katutubong wika ang nanganganib gaya ng wika ng ating mga katutubong aeta dahil ilan lamang umano sa kanila ang gumagamit sa kanilang lengwahe.
Samantala, naging maayos umano ang kabuuang selebrasyon ng buwan ng wika sa bansa at malaki naman ang kanyang naging pasalamat sa lahat ng mga ahensya na sumusuporta sa Komisyon sa Wikang Filipino.