Pandemic preparedness, ipinasasama sa curriculum ng mga estudyante sa K-12

Ipinasasama ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera sa aralin ng mga estudyante ang pandemic preparedness subject.

Hinihikayat ni Herrera ang Department of Education (DepEd) na gawing bahagi ng K-12 basic education curriculum ang mga aralin sa paghahanda sa pandemya.

Tinukoy ng mambabatas ang kahalagahan na maituro sa mga estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 12 ang pandemic preparedness upang makalikha ng isang kultura at kasanayan sa paglaban sa pagkalat ng mga sakit at impeksyon sa loob ng tahanan at sa mga paaralan.


Makatutulong din ito sa mga pamilya upang mapaghandaan din ang mga posibleng outbreaks sa hinaharap.

Maaari aniyang bumuo ng isang lesson plan ang mga guro na sesentro sa mga pagsasanay na maaaring ipasa at isama sa paraan ng pamumuhay ng kanilang mga pamilya.

Ipinunto rin ng kongresista ang pahayag ng World Health Organization at UNICEF na kailangang makilahok ang mga kabataan sa mga aktibidad upang maunawaan ng husto ang mga safety protocols na ipinapatupad tuwing may pandemic tulad ng paghuhugas ng kamay, social distancing, at tamang paraan ng pag-ubo at pagbahing.

Facebook Comments