Inihain ni Senator Sonny Angara ang Senate Bill 1674 para maipaloob ang pandemya, epidemdya at iba pang health emergencies sa subjects sa primary at secondary, private at public schools sa bansa.
Layunin ng hakbang ni Angara na maitatak sa kaugalian ng mga Pilipino mula sa pagkabata ang mga dapat gawin sa panahong may health emergency tulad ng nararanasan ngayong COVID-19 pandemic.
Pangunahing tinukoy ni Angara na dapat makaugalian ng mga mag-aaral ang mga paraan para maiwasang makahawa at mahawa ng sakit tulad ng pagsusuot ng face mask, pagtakip sa bibig kapag umuubo o bumabahing, kalinisan o madalas na paghuhugas ng kamay at pagpapanatili ng social distancing.
Inaatasan ng panukala ni Angara ang Department of Education (DepEd) na magsagawa ng konsultasyon sa Department of Health (DOH), gayundin sa National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at iba pang kinauukulang institusyon para sa pagbalangkas ng curriculum na akma sa bawat edad o level ng mga estudyante.
Ang aksyon ni Angara ay umaayon din sa rekomendasyon ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) na magkaroon ng COVID-19 curriculum para matalakay ng mga guro sa mga mag-aaral ang paraan para mapigilan at makontrol ang pagkalat ng virus.