Pandemya, hindi dapat makadiskaril sa 2022 elections

Inumpisahan na ni Commitee on Electoral Reforms and People’s Participation Chairperson Senator Imee Marcos ang mga pagdinig para masigurong matutuloy ang national at local elections na nakatakda sa susunod na taon.

Sa kabila ng pagpapaliban sa mga eleksyon sa ibang bansa ay tiniyak ni Marcos ang paghanap ng pinamumunuan niyang komite ng paraan para masigurong ligtas para sa mga botante at poll watchers ang eleksyon kahit may pandemya.

Ikinatwiran ni Marcos na maiiwasan na maging super spreader ng virus ang isang eleksyon sa gitna ng pandemya kung maaga ang pagpaplano at paghahanda.


Giit pa ni Marcos, hindi puwedeng isantabi ang pag-plano para sa eleksyon habang hinihintay ang bakuna na dumating dahil ang paghahanap ng karagdagang pondo at paglalatag ng mga hakbang na konektado sa pandemya ay hindi kayang gawin ng madalian.

Nitong January 19, 2021 ay nakapagtala ang International Foundation for Election Systems ng 116 eleksyon na ipinagpaliban sa 69 bansa at walong teritoryo dahil sa paglaganap ng COVID-19.

Pero ayon kay Marcos, kailangan tayong magsikap na maging katulad ng South Korea na nagtagumpay noong Abril sa pagsasagawa ng eleksyong ligtas kahit lumaki pa ang bilang ng kanilang mga botanteng lumahok.

Facebook Comments