Panelo: “Gentleman’s agreement” sa pagitan ng Duterte admin at China hinggil sa Ayungin Shoal, hindi totoo 

Walang pinapasok ng kasunduan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China hinggil sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ito ang nilinaw ni Atty. Salvador Panelo kasunod ng pahayag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na may “gentleman’s agreement” ang Pilipinas at China na nagbabawal sa bansa na magpadala ng mga materyales para sa maintenance ng nakasadsad na barko.

Sa kanyang programa sa radyo, iginiit ni Panelo na ang sinumang nagkakalat tungkol sa nasabing kasunduan ay sinungaling at nais lamang ng publicity.


Dalawang beses daw niyang nakausap si Duterte noong Holy Week kung saan sinabi ng dating pangulo na wala siyang pinapasok na ganoong kasunduan sa China maliban sa usapin ng trade relations.

Katunayan, ayon kay Panelo, sa ilang beses na pagpunta ni Duterte sa China ay pinanindigan nito ang 2016 Arbitral Ruling.

Kay Duterte rin aniya unang nanggaling ang mga salitang walang isusukong kahit katiting na teritoryo ang Pilipinas gayundin ang foreign policy na “friend to all, enemy to none” na inuulit ngayon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Facebook Comments