Panelo, hinamon si Sen. Lacson na bitawan ang pagiging senador at pangunahan ang vaccine rollout

Hinamon ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo si Senator Panfilo Lacson na magbitiw sa kanyang pwesto at pangunahan ang vaccination program ng pamahalaan.

Ito ay kasunod ng mga puna ng senador hinggil sa mabagal na pagpapadala ng mga bakuna.

Sa kanyang programang Counterpoint, sinabi ni Panelo na dapat patunayan ni Lacson ang kanyang kakayahan sa pagpapatupad ng vaccine rollout sa bansa.


Aniya, handang tanggapin ng administrasyon si Sen. Lacson.

“Bakit hindi ka mag-alok na ikaw ang magpatakbo ng rollout national program. Mag-resign ka bilang senador at ialok mo ang sarili mo kung ikaw ay magaling,” ani Panelo.

Dinipensahan din ni Panelo sina Health Secretary Francisco Duque III at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na walang pagod na nagtatrabaho para matiyak na maihahatid ang mga bakuna sa bawat mamamayan.

Bago ito, iginiit ni Sen. Lacson na dapat maghanap ang pamahalaan ng taong may kakayahan sa pagpapatupad ng vaccine rollout dahil maraming oportunidad ang nasayang.

Facebook Comments