Panelo, nag-sorry kay Hidilyn Diaz matapos madawit sa ouster matrix

Nagpaabot na ng apology si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo kay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz matapos madawit sa 2019 Oust Duterte matrix.

Ayon kay Panelo, naawa siya kay Hidilyn at alam niyang nasaktan ang Pinay athlete nang mailagay ang pangalan niya sa matrix.

Iginiit ni Panelo na walang pakahulugan ang pagkakasama ng kanyang pangalan sa matrix, at ipinapakita lamang nito na sinusundan si Hidilyn ng isang “Rodel Jayme” na konektado sa video na “Ang Totoong Narcolist”


Hindi aniya intensyon ng sinumang gumawa ng matrix na ilagay ang pangalan ni Hidilyn sa ouster plot.

Sinabi ni Panelo na “misplaced” ang sakit na nadama ni Hidilyn.

“There is whatsoever no intention, imagined or real, na nililink mo si Hidilyn. Nagkataon lang na inilagay yung kanyang pagiging fan nitong si Jayme. Yun lang yun e,” sabi ni Panelo.

“Because nasaktan siya. But sinasabi ko sa kanya misplaced yun pain mo kasi hindi naman talaga yun ang intensyon,” dagdag pa ng Palace official.

Pinayuhan pa ni Panelo si Diaz na tingnan sa ibang anggulo ang sitwasyon.

“The message is before you feel pain about it, medyo tingnan mo muna kung talagang tama ba yung sapantaha mo,” ani Panelo.

“Ang problema kasi, ang nangyari naman sa kanya, kaya naman siya naniniwala, eh ang daming nag-react agad,” dagdag pa ni Panelo.

Una nang nagpaabot ng pagbati si Panelo sa tagumpay na inuwi ni Diaz para sa Pilipinas.

Facebook Comments