Matapos mabakunahan kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Sinopharm anti-COVID-19 vaccine na mula sa China, kanina ay nagpaturok na rin ng kaparehong bakuna si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, si Panelo ay kabilang sa A2 priority list dahil ito ay isa ng senior citizen.
Hindi pa nga lamang malinaw sa ngayon kung sino-sino ang makikinabang sa mga Sinopharm vaccines.
Nabatid na 1,000 doses na Sinopharm ang dumating sa bansa na mula sa donasyon ng China.
Sinabi naman ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez ang 1,000 Sinopharm vaccines ay dumating kasabay ng 500,000 na donasyong Sinovac vaccines.
Sa ngayon, wala pa itong Emergency Use Authorization (EUA) pero nagawaran na ng Food and Drug Administration (FDA) ng compassionate use na una na ring ginamit ng mga kawani ng Presidential Security Group (PSG).