Nanindigan ang dating administrasyong Duterte na walang anumang kasunduang pinasok si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China hinggil sa West Philippine Sea.
Ayon kay dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, posibleng misinformed lamang si Pangulong Bongbong Marcos sa umanoy gentleman’s agreement.
Present aniya siya nang bumisita si dating Pangulong Duterte sa China at walang ganitong kasunduang nangyari sa pagitan nila ni Chinese President Xi Jin Ping.
Bukod sa kaniya ay dalawang dating miyembro na rin ng administrasyong Duterte ang nagsabi na walang nangyaring kasunduan.
Kabilang dito sina dating Defense Secretary Delfin Lorenzana at dating DILG Secretary Eduardo Año.
Dagdag pa ni Panelo, na dapat maging maingat ang publiko sa mga kumakalat na pekeng impormasyon hinggil sa usapin.