Pumalag si dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi umano umaksyon ang dating administrasyong Duterte kaugnay sa rehabilitasyon ng mga lugar na pinadapa ng Super Typhoon Yolanda.
Ayon kay Panelo, hindi tama na sabihin ng pangulo na nito lamang nagdaang dalawang taon nagsimula ang rehabilitasyon at walang ginawa ang nagdaang administrayong Duterte at Aquino sa problema.
Tila aniya misinformed o hindi nabigyan ng tamang impormasyon si Pangulong Marcos hinggil dito.
Giit ni Panelo, nakapagpatayo ang administrasyong Aquino ng 160,000 na housing units, mula sa 205,000 na mga nawasak na mga kabahayan.
Habang sa panahon naman ng administrasyong Duterte ay ipinalabas ang natitirang budget para sa 45,000 housing at naigawad sa mga biktima noong 2020.
Nasa 15% na lamang aniya na target para sa Yolanda Rehabilitation Program ang ipinagpapatuloy ngayon ng administrasyong Marcos, kaya dapat ding ibigay ang credit sa Yolanda rehabilitation sa administrasyong Aquino at Duterte.