Nanindigan si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na hindi kasalanan ng Duterte Administration ang pagkakaantala ng coronavirus vaccines sa bansa.
Nabatid na nababahala si Vice President Leni Robredo dahil napapag-iwanan na ang Pilipinas sa immunization drive ng mga kalapit na bansa sa Asya.
Ayon kay Panelo, ang pagdating ng initial batch ng COVID-19 vaccines mula sa Pfizer ay naantala dahil sa mga isyu tulad ng indemnification requirements.
Bukod dito, ang panukalang layong magtatag ng indemnification fund para sa mga taong makararanas ng side effects mula sa bakuna ay nakabinbin pa rin sa Kongreso.
Paliwanag pa ni Panelo, nais ng Pfizer na magkaroon ng legal protection mula sa mga posibleng kaso sakaling magkaroon ng kumplikasyon ang mga pasyente sa mga bakuna.
Hindi rin mawari ni Panelo kung bakit ipinapasa ng pharmaceutical firms ang responsibilidad sa gobyerno sakaling pumalpak ang kanilang COVID-19 vaccines.
Lumalabas lamang aniya na nagiging hostage ang gobyerno ng mga vaccine makers.
Pero wala naman aniyang choice ang gobyerno kundi sumang-ayon sa requirements ng vaccine suppliers.
Kung matatandaan, 117,000 doses ng Pfizer ang inaasahang darating ngayong buwan sa ilalim ng World Health Organization – COVAX facility, pero nakabinbin ito dahil sa hindi pa naipapasa ang indemnification law.
Sinertipikahan na bilang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang indemnification law para mapabilis ang vaccine delivery ng COVAX facility.