Binigyan ng libreng lecture ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo si Senator Panfilo Lacson hinggil sa papel ng Senado sa treaty-making.
Matatandaang pinayuhan ng senador si Pangulong Rodrigo Duterte na basahin ng Konstitusyon kung saan binabanggit ang papel ng Senado sa mga treaty o international agreements.
Dito binanggit ni Lacson ang Article VII, Section 21 ng Konstitusyon kung saan walang treaty o international agreement ang magiging valid at epektibo maliban na lamang kung sang-ayunan ito ng nasa two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.
Iginiit ni Panelo na mali ang paggamit ni Lacson sa isang constitutional provision na kailangan ng concurrence ng Senado para maipawalang bisa ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Pero nabilib si Panelo sa lakas ng loob ni Lacson, na hindi isang abogado, na payuhan si Pangulong Duterte, na isang abogado tungkol sa probisyon sa Saligang Batas.
Punto ni Panelo, ang naturang constitutional provision ay hindi applicable sa mga kasalukuyang kasunduan tulad ng VFA.
Ang mga nagpapatuloy na pag-uusap hinggil sa VFA ay nasa ilalim ng foreign relations, kung saan ang Pangulo ang chief architect nito.
Hindi lamang Chief Executive at Commander-In-Chief ang Pangulo kundi isa ring Head of State na may awtoridad na putulin ang anumang diplomatikong ugnayan sa anumang bansa.
Ang tanging partisipasyon lamang ng Senado sa international agreements ay kung nais ng Pangulo na pumasok sa isang kasunduan at napagdesisyunang isumite ito sa Kongreso para sa concurrence.
Nanawagan si Panelo sa mga mambabatas na hayaan ang Pangulo na gawin ang trabaho nito sa foreign affairs.