Panelo: Walang probisyon sa Anti-Terrorism Bill ang nais i-veto ni Pangulong Duterte

Walang probisyon sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Bill ang nais i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel, Secretary Salvador Panelo, bilang isang abogado si Pangulong Duterte ay maaari niyang i-veto ang anumang probisyon sa panukala na sa tingin niya ay kontra o hindi sumasang-ayon sa iba pang batas.

Paglilinaw ni Panelo, ang panukalang batas ay hindi nanggaling mismo kay Pangulong Duterte.


Ang lahat ng probisyon na nakasaad sa United Nations Security Council resolution kung saan hinihikayat ang mga miyembrong bansa na paigtingin ang anti-terrorism policies nito ay nakapaloob sa panukalang batas.

Iginiit ni Panelo na kailangan ng Pilipinas ng matibay na batas para malabanan ang terorismo.

Muli ring sinabi ni Panelo na maaaring kwestyunin ang legalidad ng Anti-Terrorism Bill sa Korte Suprema kapag naisabatas na ito.

Sa ngayon, hinihintay na lamang na pirmahan ni Pangulong Duterte ang panukalang batas na naaprubahan na sa pinal na pagbasa sa Kamara na in-adopt ang bersyon ng Senado.

Awtomatikong magiging batas ito sa loob ng 30-araw kung hindi ito napirmahan o na-veto ng Pangulo.

Facebook Comments