Pang-aabuso ng Chinese syndicates sa asylum process, pinasisilip ni Sen. Hontiveros

Isiniwalat ni Senator Risa Hontiveros ang umano’y pang-aabuso ng mga sindikatong mula sa China sa asylum process ng Pilipinas.

Ayon sa senadora, nilalapastangan ng mga Chinese nationals ang ating batas—kasabwat pa umano ang ilang opisyal at kawani ng ilang ahensya ng pamahalaan. Marami sa kanila ay sangkot sa mga illegal activities o kaya nama’y wanted sa China, at ginagamit ang Pilipinas bilang taguan.

Ikinagulat ni Hontiveros na sa kabila ng bigat ng mga kasong kinahaharap ng mga ito, mabilis pa rin silang nakakakuha ng proteksyon sa pamamagitan ng asylum.

Kabilang sa tinukoy niya si Lin Xiangqian, na nahuli ng immigration noong December 3 at sangkot sa illegal online gambling sa China; isang Ms. Wang na nagdispalko ng 97 million renminbi noong 2017; at isang Mr. Yin, isang illegal casino operator na naaresto noong 2024. Sa kabila nito, nakakuha umano silang tatlo ng asylum nang napakabilis.

Ipinanawagan ni Hontiveros ang agad na imbestigasyon para matukoy kung sino ang nagpabaya o kumita sa iligal na proseso.

Facebook Comments