Kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang kaso ng pang-aabuso ng isang tatay sa kanyang anak sa Sta. Rosa, Laguna.
Ang video ng pananakit ng tatay sa kanyang anak ay viral na ngayon sa social media.
Sa naturang video, mapapanood ang tatay na ibinitin patiwarik ang kanyang 4 na taong gulang na anak sa bintana at binugbog pa.
Naaresto na ang suspek na umamin na ang video ay pang-blackmail niya sa asawang umalis sa kanilang tahanan.
Ayon sa CHR-Calabarzon, walang sinumang bata ang dapat saktan o itrato ng masama.
Ang mga bata ay dapat na binibigyan ng pagkalinga at tulong mula sa mga magulang at lipunan.
Pinuri naman ng CHR ang mga otoridad na tumulong para masagip kaagad ang batang biktima at mapanagot sa kanyang ama.
Ang biktima ay nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sumailim na sa physical at psychological treatment.