Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na madaliin ang pagbabayad ng mga valid claims ng mga ospital.
Ito’y kasunod na rin ng daing ng mga ospital hinggil sa claims o pagkakautang ng PhilHealth sa kanila.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, bilang agarang tugon ay inaprubahan ng PhilHealth ang debit-credit payment method para mabayaran ang mga utang ng PhilHealth sa healthcare facilities o mga ospital sa panahon ng state of public health emergency dahil sa COVID-19.
Ayon kay Roque, ang mga kwalipikado na healthcare facilities para sa debit-credit payment method ay dapat nasa mga lugar na tinukoy ng Inter-Agency Task Force (IATF) at National Task Force Against COVID-19 (NTF) tulad ng Metro Manila, Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Pampanga at Rizal.
Ang mga ospital na ito ay kailangang kumakalinga sa COVID-19 patients, ang kanilang accreditation ay hindi suspendido at kinakailangang ang mga healthcare facilities na ito ay walang interim reimbursement mechanism fund balance.