Pang. Duterte, walang dahilan para mag “I am sorry” kay VP Leni

Walang dahilan para humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, wala naman kasing sinabi ang Pangulo na ginamit ni Vice President Leni ang eroplano ng gobyerno para maghatid ng tulong sa mga biktima ng kalamidad sa Bicol Region.

Kina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo aniya nanggaling ang mga salitang ito at ipinakita naman na ng dalawang cabinet members ang pagiging tunay nilang maginoo dahil matapos mapagtanto ang kanilang kamalian ay agad silang humingi ng paumanhin kay VP Leni.


Ang mga tinuran aniya ng Pangulo ay nag-ugat sa mga tweet ni VP Leni na tila ipinamumukha sa taongbayan na siya ang nagpapakilos ng mga asset ng pamahalaan, gayundin mula sa naging pahayag ng tagapagsalita ng Bise Presidente na si Atty. Barry Guttierrez.

Mayroon din aniyang mga tweet ang mismong mga anak ni VP Leni hinggil sa pagpalagay nila kung nasaan ang Pangulo noong kasagsagan ng bagyo.

Sa ngayon, sinabi ni Roque na nailabas na ng Pangulo ang kaniyang saloobin at hindi naman nito inisip na si Vice President Robredo ang nasa likod ng #NasaanAngPangulo.

Ayon kay Roque, tao rin naman ang Pangulo at napipikon din, bagaman wala naman aniyang masama kung tanungin kung nasaan ang Pangulo sa panahong kailangan ito ng sambayanang Pilipino, pero nagiging hindi maganda aniya ang dating kapag may kasama na itong malisya.

Facebook Comments