Iginiit ni Senator Imee Marcos ang pangangailangan sa paglalatag ng short at long-term solusyon sa matagal nang problema sa tubig ng Metro Manila.
Target ng mensahe ni Marcos ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH) at National Commission on Indigenous Peoples.
Muli ring nanawagan si Marcos sa gobyerno na resolbahin ang sigalot sa negosasyon sa pagitan ng mga komunidad ng mga tribong apektado ng Kaliwa Dam project.
Binigyang-diin ni Marcos na sa kabila ng mga pag-ulan sa nakalipas na buwan ay patuloy sa pagbaba ang suplay ng tubig sa Angat Dam na mas mababa na sa 180 meters minimum operating level nito mula pa noong Huwebes.
Nababahala si Marcos dahil malayo ito sa highest level na 204.5 meters na naitala rito noong Enero.
Babala ni Marcos, kapag hindi nagtuloy-tuloy ang pag-ulan, posibleng masagad ang suplay ng tubig sa Angat Dam sa critical level nito na 160 meters pagsapit ng Nobyembre.