Sa pagpapatuloy ng holidays season hanggang pagsalubong sa taong 2026, muling pinaalalahanan ang publiko na maging mapagmatyag at responsible upang maiwasan ang mga insidente ng krimen, partikular ang akyat-bahay, at mapanatili ang ligtas at payapang selebrasyon.
Ayon sa Pangasinan Police Provincial Office, mahalagang ikandado ang lahat ng pinto at bintana bago umalis ng bahay upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang mga magnanakaw.
Pinapayuhan din ang mga residente na ilagay sa ligtas at maayos na lugar ang mga mamahaling kagamitan tulad ng alahas, bisikleta, at sasakyan.
Ipinapayo rin na iwasang mag-iwan ng mga paalala o notes sa labas ng bahay na nagpapahiwatig na walang tao, gayundin ang pagiging maingat sa pagpopost sa social media tungkol sa mga planong lakad o bakasyon o lokasyon dahil maaaring samantalahin ng mga kawatan.
Bukod sa pag-iwas sa krimen, binigyang-diin din ang kaligtasan sa loob ng tahanan mula sa mga nakasinding kandila, bukas na electric o gas stove, tumutulong gripo, at nakasaksak na appliances upang maiwasan ang sunog at iba pang aksidente.
Patuloy na nakataas ang heightened alert status sa mga kapulisan na ipinapakalat sa mga convergence areas para sa tiyakin ang matiwasay na pagdaraos ng holidays.






