Sumulat na si Pang. Rodrigo Duterte sa liderato ng Kongreso para gawing prayoridad ang pagpasa ng House Bill 4228 o ang panukalang 2020 national budget.
Sa liham ng pangulo kay House Speaker Alan Peter Cayetano at Senate President Tito Sotto, sinertipika na niya bilang urgent measure ang house bill.
Sabi ng Pangulo ito ay para masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon ng gobyerno, mapabilis ang paglalaan ng pondo para sa mga proyekto para sa susunod na taon, at matiyak ang kahandaan ng gobyerno sa paggamit ng pondo alinsunod sa mandato nito sa konstitusyon.
Dahil certified urgent, nangangaluhugan itong mas mapapadali ang pagpasa ng Kongreso ng budget dahil matapos itong lumusot sa 2nd reading, pupwede na itong ipasa agad sa 3rd reading na hindi na kailangan pang maghintay ng tatlong araw.
Kanina lang sinabi ni House Committee on Ways and Means Chair Joey Salceda na sa darating na biyernes, Sept. 20, mapapasa na sa 2nd reading ng Kamara ng 2020 national budget.
Matatandaang naantala ang pagpasa ng pambansang pondo ngayong 2019, at nauwi tayo sa paggamit ng reenacted budget sa unang bahagi ng taon.