PANG-UNAWA AT KOOPERASYON, APELA NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG LA UNION SA GITNA NG PAGSASAAYOS NG MGA LINYA NG KURYENTE

Umapela ang Pamahalaang Panlalawigan ng La Union ng pang-unawa at kooperasyon mula sa publiko habang nagpapatuloy ang malawakang pagsasaayos ng mga linya ng kuryente na nasira sa kasagsagan ng Super Typhoon Uwan.

Ayon sa Provincial Government of La Union, bagama’t humina na ang bagyo, nararanasan pa rin ang malalakas na hanging nagdulot ng pagbagsak ng mga puno, poste, at iba pang sagabal sa mga power line.

Dahil dito, nanatiling limitado ang suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng lalawigan.

Iniulat naman ng La Union Electric Cooperative (LUELCO) na kasalukuyang umiikot ang kanilang mga linemen para sa line patrolling, mapping, at clearing operations upang matukoy at maisaayos ang mga napinsalang bahagi ng kanilang distribution system.

Tiniyak ng kooperatiba na ginagawa ng kanilang technical team ang lahat upang maibalik ang kuryente sa bawat tahanan sa lalong madaling panahon.

Sa gitna ng pagbangon mula sa pinsalang iniwan ng Bagyong Uwan, muling nanawagan ang mga awtoridad sa mga residente na manatiling alerto, magpakita ng pasensya, at makipagtulungan sa mga isinasagawang repair operations para sa mas mabilis at ligtas na pagsasaayos ng serbisyo.

Facebook Comments